Suring-Aklat
Sta. Lucia High School
# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City
Bulaklak ng Maynila
Ni Domingo G. Landicho
Ateneo de Manila University Press, 1995
Isang Suring-Aklat(Book-Review)
na iniharap kay G. Danilo P. Agpaoa, LPT
Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
Ipinasa ni: Airish Evol L. Domingo
G11 - STEM 2
Enero, 2025
I. PANIMULA
A. Pamagat
Sa lungsod ng usok at kasalanan, mayroong isang bulaklak na pilit bumabalikwas sa pagkakalugmok. Ano ang ibig sabihin ng bulaklak sa pamagat ng akda? Ang “Bulaklak ng Maynila” ay isang pahayag na masarap pakinggan sa ating tainga na kung saan, ang may-akda ay gumagamit ng juxtaposition o ang dalawang magkasalungat na elemento ay pinagsama upang magbigay ng mas malalim na kahulugan, ang kagandahan ng isang bulaklak at ang magulong kalakaran ng lungsod. Sa ilalim ng matinding kahirapan, ang mga tauhan sa kwento ay sumasalamin sa bulaklak na patuloy na lumalaban at nagsisilibing paalala na sa kabila ng dumi at dilim, mayroong pagkakataon ng muling pagsibol at bagong buhay.
Bukod dito, muling itinatampok ng may-akda ang isang bulaklak na patuloy na namumukadkad, isang bulaklak na hindi matitinag ng kalupitan ng lungsod. Bagkus, hindi siya isang ina o isang tiya, kundi isang dalaga. Sino nga ba siya, at ano ang tadhana niyang naghihintay sa gitna ng dilim? Dahil sa aking mga katanungan mula sa aking sarili, patuloy kong binabasa ang librong ito na isinulat ni Domingo G. Landicho.
Sa pamagat nitong “Bulaklak ng Maynila”, ikinukumpara ito sa mga latak ng lipunan, na kung saan pinagkakatingalaan ka ng mga tao kapag ikaw ay mayroong halaga at yaman, gaya ng isang bulaklak. Ngunit kapag ikaw ay mahirap at walang yaman, ikaw ay mabilis na nakakalimutan at hindi pinapansin. Sa madaling salita, ang librong ito ay isang matinding larawan ng paghihirap ng mga tao na nagsusumikap makipagsapalaran sa isang mundong puno ng mga hadlang at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, kung saan ang pagpapahalaga sa isang tao ay hindi nakabatay sa kanilang prinsipyo, kundi sa estado ng kanilang buhay.
B. Uri ng Panitikan at Genre
Ang Bulaklak ng Maynila ay isang Nobelang Panlipunan na tumatalakay sa mga hinagpis at pagsubok ng mga tauhan sa harap ng matinding kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Dagdag pa rito, ipinapakita ng akda ang matinding agwat sa pagitan ng mga may kaya at mahihirap, kung saan ang mga hindi nakikita at walang boses ay patuloy na naglalaban para sa kanilang lugar sa lipunan.
Sa kabilang dako, ito ay mayroong genre na Drama at Crime. Kung ito’y papalawakin, ang drama ay nagpapakita ng matinding emosyon na kung saan ang kanilang mga pangarap, sakripisyo, at desisyon ay nagdudulot ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Samantala, ang krimen ay makikita sa mga hindi kanais-nais na gawain sa ilalim ng sistema ng Lipunan at sa mamamayan. Ang kalupitan at hindi pagkakapantay-pantay ay nagiging sanhi ng ilang tauhan na pumasok sa mundo ng krimen.
C. Pagkilala sa May-Akda
Si Domingo G. Landicho ay ipinanganak noong ika-4 ng Agosto, 1939 sa Taal, Batangas. Siya ay nagtamo ng Bachelor of Arts at BS Journalism mula sa Lyceum of the Philippines, MA sa Edukasyon mula sa National Teachers College, at Ph.D. sa Filipinology mula sa University of the Philippines. Siya ay naging Writer-in-Residence at propesor sa Department of Filipino, pati na rin associate director ng Institute of Creative Writing.
Kabilang sa kanyang mga akda ang Paglalakbay, Mga Piling Tula (1974), Himagsik (1972), Niño Engkantado (1979), at Apoy at Unos (1993). Nakilala siya sa mga prestihiyosong parangal tulad ng Palancas at CCP Balagtas Awards. Siya rin ay naging Direktor ng Poet Laureate International at kasapi ng PEN International.
Siya rin ay naging Direktor para sa Asia ng Poet Laureate International, kasapi ng PEN International, at honorary member ng International Writers' Workshop sa University of Iowa. Sa kabila ng kanyang mga tagumpay, isa rin siyang artista sa tanghalan, telebisyon, pelikula at isang broadcaster sa Radio Veritas. Ang kanyang nobelang Bulaklak ng Maynila ay nanalo ng Carlos Palanca Award at isinalin sa pelikula
II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN
A. Tema / Paksa
Ang pangunahing tema ng Bulaklak ng Maynila ay inilalahad ang buhay ng mga taong itinuturing na latak ng lipunan ay hindi karapat-dapat na sa tagumpay, itinakda silang manatili sa ilalim, habang ang pribilehiyo ay isang salamin ng lipunang hindi patas, kung saan ang pangarap ng mahihirap ay madalas nadudurog bago pa man ito magsimulang umusbong. Hindi ito kwento ng tagumpay na walang hirap, kundi isang masakit na paglalakbay ng mga taong ipinanganak sa mundo na tila itinakda na silang manatili sa ilalim. Dagdag pa rito, ang mga pananaw ng ating mga tauhan ay hindi lunod sa kumunoy ng pesimismo kundi nagwakas sa pananagumpay ng diwang tao na mayroong pagmamalasakit sa dangal, pag-ibig at pangarap. Ang Bulaklak ng Maynila ay nagtatalakay ng mga napapanahong isyung panlipunan, gaya ng diskriminasyon, pagkawala ng moralidad, kahirapan at pang-aabuso sa kapangyarihan.
B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON
Mga Tauhan
a. Ada – Isang dalaga na lumaki sa hirap at hindi ipinanganak sa pribilehiyo. Bagamat siya'y mahirap, mayroong mga pangarap siyang nais matupad at patuloy siyang nagsusumikap upang makalabas sa kanyang kalagayang kinalalagyan. Siya ang anak nina Roque at Azun, at mayroong pagtingin sa ating tauhan na sina Ed at Cris. Siya rin ang itinaguriang bilang “Prinsesa ng Maynila”, ang prinsesa ng mga bulaklak, ng buwan, ng araw, ng mga tala.
b. Azun – Tumatayong ilaw ng tahanan kay Ada. Siya ang asawa ni Roque at isang tindera sa bangketa. Sa kabila ng kanilang paghihirap, patuloy nang lumubog ang kanilang utang kay Timo. Ngunit, sa hindi inaasahan, siya ay mayroong itinatagong lihim na namamagitan sa kanila ni Timo.
c. Mang Tomas – Tumatayong ama kay Azun. Bilang isang tindero, siya rin ang tumatayo bilang kinakatawan ni Timo. Siya ay mayroong mga katangiang nagpapakita ng pagiging matalino at maaalalahanin. Sa kabila ng mga pagsubok at kahirapan, siya ay may pag-unawa at pagpapatawad sa mga pagkakamali ng iba, at nagbibigay siya ng mga aral mula sa kanyang sariling buhay.
d. Timo – Ang tumatayong bilang pinuno sa bangketa dahil sa kanyang angking yaman at kapangyarihan. Siya rin ay nagsimula bilang isang tindero na naglalako ng bote. Sa loob ng bangketa, siya rin ang pinag-uusapan sa isyung tungkol sa mga lihim na pagsusustento ng isang pamilya sa likod ng pagiging maalaga, lasingero at matipunong katangian. Ngunit sa likod ng kanyang kapangyarihan, siya rin ay mayroong pangarap na gusto niyang makamtan, ito ay ang pagnais niyang makuha ang puso ni Azun, at ito’y kanyang makakamtan kahit pa man na siya ay pumatay ng tao.
e. Roque – Isang lasingerong ama na asawa ni Azun. Isang ignoranteng tao pagdating sa kanyang mga salita at gawa. Sa kalagitnaan ng nobela, siya ay nangako kay Azun na bigyan siya ng pagkakataon na magbago, ngunit ito’y naglaho na parang isang panaginip lamang sa kadahilanang, pagsangkot ni Roque sa kasong pagnanakaw. Dahilan ito ng pagsuko niya sa awtoridad at makulong sa bilangguan.
f. Angelita – Isang dalaga na nagtitinda ng sampaguita malapit sa simbahan. Siya rin ang tumatayong kapatid ni Ada. Kahit pa man na mayroong nagsasabi sa kanya na malayo ang kanilang pagitan ni Ada pagdating sa estado, hindi matitinag ang kanyang pagmamahal kay Ada at sa mga taong pinapaligiran niya. Sa kabila ng kanyang pagiging bulag, siya ay binigyan ng kakayahan sa pagkanta at siya ang naging mang-aawit sa pista ng Poong Nazareno.
g. Ed – Ang pamangkin ni Aling Doray at isang lalaki na nagpapakita ng malasakit sa kapwa. Siya ay mayroong pagtingin kay Ada. Sa kabila ng kanyang pahihirap, pinagpatuloy niya pa rin na pakasalan si Ada, matapos ang kanilang kasalan, siya ay namatay sa riles ng tren, habang nagbebenta ng basahan.
h. Cris – Itinuturing ni Ada bilang isang bituin na tinutukso ang kanyang nararamdaman. Isang artista at sumisimbolo sa kuwento bilang isang gulong, palaging umiikot at hindi natin alam kung saan ito hahantong. May mga pagkakataong tayo ay nasa tuktok, nagtatamasa ng tagumpay at kasiyahan, ngunit may mga oras din na tayo ay nadarapa sa ilalim, nahaharap sa mga pagsubok at kalungkutan. Sa lahat ng kanyang sitwasyon, hindi mawala ang kanyang pagmamahal kay Ada.
i. Aling Doray - Isa sa mga naging kaibigan ni Azun sa bangketa. Kasama niyang nagtitinda ito sa bangketa. Madalas mapahamak dahil sa kanyang pagiging tsismosa at sa kanyang mga binibitawang salita.
j. Mirna at Teresing – Mga kaibigan ni Ada na nagtratrabaho sa club at tumulong sa kanya upang makaroon rin ng trabaho sa club. Sila rin ang nakatuklas sa kamatayan ni Ed at binalita kay Ada.
Mga Tagpuan
Sa bawat tagpuan ng Bulaklak ng Maynila, ipinapakita ang bawat estado at kalagayan ng magkaibang mundo. Sa bangketa, nagsisimula ang mga kwento ng mga tao, naglalakad sa ilalim ng matinding init, nagsusumikap upang mabuhay. Samantalang sa simbahan, doon nagaganap ang mga tanging sandali ng pananampalataya at pagpapatawad, isang pook kung saan ang mga tauhan ay nagsisilibing tahanan ng kanilang mga pagsisisi at bagong pag-asa. Sa club, isang mundong puno ng mga luho at aliw mula sa mga dayuhan. Sa kabilang dako, sa bahay ni Timo, ipinapakita ang materyalismo at kaluwagan ng kanyang tahanan. Sa huli, ang tahanan nina Ada, Azun at Roque ay nagiging simbolo ng pag-ibig, paghihirap, at pangarap. Sa bawat sulok na ito, mayroong kwento ng pag-asa at pagkatalo, ng buhay at kamatayan, ng pagkakaisa at pagkakawatak-watak.
Panahon
Ang Bulaklak ng Maynila ay naganap sa isang panahon na matindi ang
mga isyung panlipunan, partikular na ang kahirapan, krimen, at pagkakaiba ng estado sa buhay sa isang urbanisadong lungsod tulad ng Maynila. Sa karagdagang impormasyon, ito’y nagaganap sa araw ng pasukan hanggang sa pista ng Poong Nazareno o buwan ng Enero. Ang kuwento ay nakatuon sa mga kabataang nagsusumikap sa kanilang pag-aaral at ang mga magulang na nagsusumikap upang makapagtapos ang kanilang anak, ngunit sabayang makikita ang pagkawala ng pagkakataon sa mga nasa mababang kalagayan. Sa kabuuan, ito ay ang panahon ng paghihirap, pati na rin ang mga pagbabago sa lipunan, na kung saan ang pangunahing tema ay bumabalot sa mga tagpuan at buhay ng mga tauhan.
C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA
Ang estilo ng pagsulat ni Domingo G. Landicho ay masasabing maligoy,
matalinhaga, at gumagamit ng mga salita na binibigkas natin sa pakikipag-usap. Kung aking iisipin, ang mga salitang ginagamit niya ay madalas mayroong malalim na kahulugan, ngunit hindi masyadong mahirap intindihin. Kung minsan naman, kahit na ang mga pahayag o diyalogo ng mga tauhan ay nagsasalamin ng pang-araw-araw na buhay, binibigyan ito ng mga makulay na kahulugan na nagpapakita ng kanilang damdamin at pakikisalamuha. Ang kanyang istilo ay tumutok sa pagpapakita ng mga realistikong karanasan, kaya't ang mga salitang ginagamit ay tila mayroong kasamang kultura at karanasan ng tao sa Maynila, pati na rin ang mga makatawid na kwento ng buhay sa isang lugar na puno ng mga hamon at pagsubok.
III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. KAKINTALAN / KAISIPAN
Ang bulaklak ng Maynila ay isang libro na kung saan, ang balangkas nito
ay sadyang ginawang balita na napapanood natin sa telebisyon. Ang balangkas nito ay maaaring magmukhang pamilyar sa atin, tulad ng mga ulat na madalas nating makita sa telebisyon, ngunit ang mga detalye at damdamin na inilalarawan ng mga tauhan ay nagdudulot ng isang mas malalim na pag-unawa sa prinsipyo ng buhay sa isang lungsod na puno ng hamon at pagkakataon. Bagamat ang kwento ng bawat tauhan ay maaaring magmukhang karaniwan, ito ay naipapakita sa isang paraan na nagpapakita ng mga aspeto ng buhay na hindi natin palaging napapansin o naiisip, dahil ito sa elemento ng kuwento at estilo ng pagkakasulat. Ang kwento ng bawat isa, mula sa mga simpleng mamamayan hanggang sa mga mayroong kapangyarihan at awtoridad ay nagsisilbing isang mga kuwentong sumasalamin sa ating lipunan, kung saan ang pag-asa at pagkabigo ay walang katapusang umuulit, parang isang gulong, ngunit ang pagtutulungan at pagmamahal ay mayroong mahalagang gampanin sa ating sarili, pamilya, kaibigan, at sa ating mamamayan.
Muli, ang prinsesa ng Maynila at bulaklak ay hindi isang kagamitan, kundi si Ada, isang dalaga na pinaglihi sa bituka ng bakal. Sa paanong paraan siya naging prinsesa sa mata ng mga latak ng lipunan? Sa kabanta 17, itinanghal ito sa pamamagitan ng pang-akit ng mga bagay na magaan sa mata, tulad ng yaman, kasikatan, o mga pangarap na madaling makuha, ngunit may kasamang pagka-bighani na maaaring magdulot ng pagkalugmok sa dulo. Kung ang isang tao ay magpapadala sa tukso, maaari siyang maligaw sa tamang landas at makalimutan ang mga mahahalagang bagay na tunay na makikinabang sa kanya. Ang isang tao ay namumukadkad sapagkat sila ay binibigyan ng pansin sa kanilang pisikal na anyo, hindi sa kanilang moralidad.
Ang bangketa ay parang isang uri ng lipunan na nakapaloob sa sumasaklaw na higit ng malaki at maluwag na lipunan. Mayroon itong sariling batas na sinusunod, batas ng kaugalian at kagandahang-asal, na sinsusulat ng isang bahay-lungsod na isang kahig-isang tuka. Sa kabuuan ng Bulaklak ng Maynila, makikita ang pagdanas ng mga tauhan sa limang yugto ng kalungkutan. Sa simula, may pagkakataon ng pagtanggi sa kanilang kalagayan, tulad ni Ada na naghahangad ng mas magaan at mas maginhawang buhay, at hindi kayang tanggapin ang bigat ng kanilang sitwasyon, kung kaya’t siya ay patuloy sa paghahanap ng trabaho at isinantabi ang kanyang pag-aaral. Kasunod nito ang galit, kung saan nagsisimula ang mga tauhan na magtangkang magrebelde laban sa kanilang kapalaran at ang hindi pagkakaunawaan nina Roque at Azun, sanhi ng mga balitang naririnig ni Roque patungkol kay Azun, na siya ay nangangaliwa sa kanyang asawa para kay Timo. Sumunod, Ang pagbabayad o pagpapakumbaba ay mararamdaman sa yugto ng isang hawlang pilak, tulad ni Ada na umaasa na ang tamang relasyon o pagkakataon ay magbibigay daan sa pagbabago. Ngunit sa kalaunan, nagiging malupit ang kalungkutan at nararamdaman nila ang pagkatalo at kawalan ng pag-asa. Sa kabilang dako, tinanggap rin ni Azun ang tamis na pagmamahal ni Timo upang masustentuhan ang kanilang utang sa kanya, bunga ito ng patuloy na pagkalimot kay Roque. Sa huli, ang mga tauhan ay natututo ng pagtanggap sa kanilang kalagayan, hindi bilang isang ganap na pagtanggap, kundi bilang isang pagmulat sa katotohanan ng buhay sa lungsod, kung saan ang pagkatao at pag-asa ay patuloy na lumalaban sa kabila ng mga hamon ng lipunan, isang halimbawa rito ay ang pagpapatawad nina Roque at Azun sa bawat isa.
Ang isang aral na mapupulot rito ay hindi hadlang ang kahirapan upang ikaw ay mangarap sa ating mithiin sa buhay. Bagamat ang kanilang estado sa buhay ay maaaring magtakda ng mga limitasyon, sa halip, ginagamit nila ang kanilang kalagayan bilang lakas upang magsumikap at mangarap, patuloy na lumalaban para sa magandang kinabukasan. Mula kay Azun, biktima ang tao kung minsan, may mga kilos siyang ‘di siya ang may gusto, may mga nangyayari sa kanyang ‘di siya nagpapasiya. Kung ating susuriin, ang aral na mapupulot mula sa pahayag na ito ay nagpapakita ng katotohanan na may mga pagkakataon sa buhay ng tao na siya ay nagiging biktima ng mga pangyayari, lalo na kung hindi siya ang may pasiya sa mga ito.
Pangalawa, mayroon mga palatandaan ng isang problema o masamang sitwasyon bago pa ito tuluyang magbunga. Kung may mga hindi magandang pangyayari, malamang may mas malalim na dahilan ito na kailangan nating harapin. Wika nga ni Roque, “Kung me usok, me apoy”. Datapuwa’t na mahalaga na maging mapanuri tayo sa mga palatandaang ito, upang maiwasan ang mga pagsubok na maaaring magdulot ng mas matinding pinsala sa ating buhay, pamilya, o komunidad. Ang pagpapabaya o pagpapalampas sa mga bagay na ito ay maaaring magbukas ng daan sa mas malaking suliranin na mahirap nang ayusin.
Sa kabilang banda, ang pahayag na "Kung hinayaan natin husgahan ang buhay natin ng bangketa, lahat ng dumi sa lungsod ay magiging libag sa ating katawan" ay nagtuturo sa atin ng pagiging mababa o hindi makatarungan ng ating pagpapasiya kung ipinagpapasa-Diyos o ipinapaubaya natin ang ating buhay sa mga panlabas na opinyon, kagaya ng mga huwad na pamantayan ng lipunan. Kahit pa man na ito’y kumakalat sa buong mundo, ang pagiging mapanuri sa ating mundong ginagalawan ay hindi isang kasalanan. Sa halip, hanapin natin ang katotohanan nang mayroong dangal at responsibilidad.
Sa huli, ang pagkakaunawaan ay mahalaga sa bawat aspeto ng ating buhay, gaya nila Ada at Azun. Sila man ay tila isang dalawang ilog, hindi nawawala sa kanila ang relasyon bilang ina at anak, kahit pa man sila ay nagtatalo at hindi nag-uunawaan. Ang pag-unawa ay binibigyan ng oras upang maintindihan ang isang usapin at ideya. Ipinakita ng kuwento na hindi ang materyal na bagay o estado sa buhay ang siyang tunay na sukatan ng halaga ng isang tao, ang kabutihan ng puso at ang mga tamang prinsipyo ay mayroong higit na halaga kaysa sa yaman o katayuan sa lipunan.
B. KULTURANG MASASALAMIN
Ang mga kulturang sumasalamin na tunay ngang kapuna-puna, ay ang
pagbebenta ng anik-anik at kagamitan, gaya ng comiks, kagamitan na ginagamit sa pang-linis, laruan at basahan, pagsisimba upang magdasal, magpasalamat, at maghanap ng gabay mula sa Bathala, at ang estado na patuloy pa ring umaalab. Isang mahalagang bahagi ng kultura sa kuwento ay ang pagpapahalaga sa mga relasyon at pagbibigay daan sa kanilang puso kaysa sa kanilang isipan, lalo na ang pamilya at komunidad. Bagamat ang mga tauhan ay nasasaktan at nakakaramdam ng pagkatalo, hindi nila ito pinipili na tahakin mag-isa. Tinutulungan nila ang isa't isa sa kabila ng kanilang mga suliranin, na sumasalamin sa bayanihan at ang pagtutulungan ng mga Pilipino sa oras ng pangangailangan. Panghuli, ang nobela ay nagpapakita ng kultura patungkol sa mga pagkakamali at ang kahalagahan ng pagkatuto mula rito. Marami sa mga tauhan ang napag-uusapan ang kanilang mga desisyon at ang mga epekto ng kanilang mga aksyon, sa pamamagitan ng karanasan sa buhay na ayaw nilang maranasan sa ibang tao o indibiduwal.
IV. LAGOM
Unti-unti nang nagkakabagwis ang buhay na kani-kanina ay walang tibok sa bangketa. Dito umiikot ang Bulaklak ng Maynila na isinulat ni Domingo G. Landicho. Ang nobela ay hango sa isang nobelistang nag-ugat sa lungsod, na naging bahagi ng kanyang pagkatao sa maraming taon. Doon niya nakilala sina Ada, Azun, at ang kanilang pagkatao sa baryo magdaragat ng Tondo nang tumigil siya ng ilang araw dahil sa pag-aartista sa isang pelikula ni Lino Brocka. Simula noon, muli niyang binalikan ang kanyang kabataan sa Maynila, ang buhay bangketa, at ang kulturang umiikot sa mga pagdiriwang at pista ng Poong Nazareno. Ang mga taong kanyang nakilala at ang paglago ni Ada ay hindi naglaho sa kumunoy ng pesimismo, bagkus ay nagtapos sa tagumpay ng diwang tao na may malasakit sa dangal, pag-ibig, at pangarap.
Sinimulan ito sa kabanata 1, Bituka ng Bakal, na kung saan ay ipinakilala sina Mang Tomas, Aling Doray, Azun, Ada, Timo, Roque at si Angelita. Ipinaliwanag rin ang kanilang estado sa bangketa, ang walang katapusang gulo sa loob ng bangketa, at ang kanilang trabaho sa pang-araw-araw na buhay. Sa kabanata 2, ipinaliwanag ang lihim na itinatago nina Timo at Azun patungkol sa kanilang relasyon at ang pagtatapat ng pagmamahal ni Ed kay Ada.
Ang nobela ay patuloy pa ring isinasalaysay ang paguusyoso ni Ada sa kanyang kinapapaligiran, isa na rito ang pagpasok sa iba’t ibang trabaho, gaya ng pagsasayaw sa club, at taga-hugas ng pinggan. Ngunit, hindi pa diyan natatapos ang kanyang mga karanasan sa buhay, pinasok niya rin ang mundo ng pag-aasawa, kasama si Ed, na kinalaunan ay binawian ng buhay, dahil sa pagtanggi niya kay Timo na pauwiin si Ada sa kanilang tahanan, dahilan ng pagpatay ni Timo kay Ed. Pangalawa, ang pagtatalik mula kay Cris. Panghuli, ang paggahasa ni Timo kay Ada, bunga rin ng pagkabaliw ni Azun. Sa kabanata 21 at 25, ipinaliwanag ni Timo nang lasing na kinakailangan niya ang katawan ni Ada na para bang ito’y isang droga at pinaliwanag niya rin na siya ang pumatay kay Ed. Patuloy sa pag-aalala si Azun kay Timo, habang si Timo naman ay pinagdesisyunan na gahasain si Azun, bunga ng kanyang pagkabaliw. Sa huli, nagtangumpay si Timo na mapasakanya si Ada, ngunit, pinatay ni Azun si Timo, at sinabing “Halimaw!”.
Sa kabila ng lahat ng ito, si Roque ay nakakulong sa bilangguan dahil sa maling pagpataw sa kanya ng pagnanakaw, sapagkat ito’y planado at napag-usapan nina Timo at ang kanyang kasamahan. Isa ito sa naging dahilan kung bakit nawalan ng tirahan at hanap-buhay si Azun. Sa huling kabanata, muling bumisita si Cris kay Ada upang sabihin niya na naghihintay siya ng sagot mula kay Ada, kung siya ba ay handa na sa pakikipag-relasyon. Dagdag pa rito ang pagpapatawad nina Roque at Azun sa bawat isa at tinanggap ni Roque si Angelita bilang isang anak. Sa huli, sila ay muling naka-bangon sa bagong taon na sumisimbolo bilang bagong pag-asa.
V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI
Ang nobela ni Domingo G. Landicho ay isang akda na itinuturing na isang malalim na pagsisid sa kalikasan ng tao at lipunan. Ang bawat pahina ay puno ng mga isyu na tila sumasalamin sa kaluluwa ng Maynila, isang lungsod na sa kabila ng lahat ng pagnanasa at pag-asa, ay patuloy na humaharap sa masalimuot na realidad ng buhay. Pinapakita nito ang masalimuot na relasyon ng tao at ng kanyang paligid, kung paano ang ating mga damdamin at paghihirap ay nagiging bahagi ng ating pakikibaka sa isang lipunang puno ng hindi pagkakapantay-pantay. Sa kanyang matalim na kritisismo, nag-aalok ang Bulaklak ng Maynila ng isang pagkakataon upang masuri natin ang ating kalagayan bilang mga tao, at kung paanong ang ating lipunan ay nakaugat sa mga saloobin at pagkilos na patuloy na bumabalik sa ating pananaw sa buhay.
Gayunpaman, mayroong ilang aspeto na nagiging sagabal sa kabuuang epekto ng akda. Ang paulit-ulit na pagbigkas ng mga linyang “Mahal kita,…” ay nawawalan ng kahulugan. Ang mga salitang ito ay kadalasang binibigkas kapag mayroong sekswal na intensyon. Tila nagiging pormal na tunog, na hindi na tumatalab sa mga mambabasa ngayon. Pangalawa, ang paglalarawan ng Maynila ay puno ng negatibong imahen, isang lugar ng matinding kahirapan at kapighatian, na nagiging isang bangungot para sa mga naghihirap sa lipunan. Sa aking opinyon, ito’y inilalarawan sa mga panahon na nakaupo sina Marcos at Aquino, kung saan ay nagkaroon ng economic collapse noong 1981. Tila ang akda ay tanging nakatuon lamang sa mga madilim na aspeto ng lungsod at hindi binigyan ng pagkakataon ang magagandang bahagi nito.
Sa kabila ng pagiging isang karaniwang nobela ng paghihirap, at pag-ibig na madalas nating makita sa mga akda hanggang sa ngayon, ang Bulaklak ng Maynila ay isang tunay na hiyas sa panitikan ng Pilipino. Bagamat ang temang ito ay hindi na bago at paulit-ulit na nagaganap sa ating mga buhay, ang paraan ng pagpapahayag nito ni Landicho ay mayroong kakaibang estilo at kalidad. Ang pagsasama-sama ng matinding emosyon, tapat na kritisismo sa lipunan, at ang maganda ngunit masakit na paglalarawan ng Maynila ay nagbigay ng bagong kulay sa isang kwento. Kaya't kahit ang mga tema nito ay tila pamilyar, ang akdang ito ay isang perlas na nagpapaalala sa atin ng ating kahinaan, lakas, at ang patuloy na pagnanais ng mga tao na makatawid sa dilim ng kanilang mga buhay. Inilarawan ni Landicho ang nobleng ito na, “Ang kahabaan ng pangketa ay ouspos ng mga kaluluwang itinapon ng kamay ng tadhana para sa isang araw na pagkabuhay. Nakabatas waring ‘di isinulat ang detalye ng katadhanaang iyon, parang isang kanbas na sosyal”. Bilang mungkahi at isang mag-aaral, gaya ni Ada, natutuhan ko na ang mga isyung tulad ng kahirapan, pagkakapantay-pantay, at ang mga pagsubok ng tao ay hindi lamang mga tema sa mga akda, kundi mga realidad na patuloy na kinahaharap sa ating lipunan.
.png)



Comments
Post a Comment